UNITED KINGDOM – Isang babae mula United Kingdom ang nagpatunay na ang ama ng kanyang anak ay nakipagsabwatan sa isang empleyado ng DNA testing lab para pekein ang resulta ng pagsusuri at takasan ang mahigit $125,000 (higit ₱7 milyon) na child support.
Para kay Chelsea Miller, 31-anyos, isa nang matinding dagok ang iwanan siya ng kanyang partner na si Sheldon B., tatlong araw matapos niyang isilang ang kanilang anak na si Louie noong 2022. Pero hindi pa roon nagtapos ang sakit nang magsimulang itanggi ni Sheldon na siya ang ama ni Louie at humiling pa ng paternity test.
Kumpiyansa si Chelsea noon dahil, aniya, “I always knew who the father of my child was.” Pero laking gulat niya nang lumabas ang resulta ng DNA test na nagsasabing hindi si Sheldon ang ama.
Sa harap ng korte, ang DNA test ang naging matibay na ebidensya kaya’t hindi pinanagot si Sheldon. Ngunit hindi sumuko si Chelsea. Kinausap niya ang ina ni Sheldon, si Katie, at napapayag itong magpa-DNA test din. Lumabas sa hiwalay na pagsusuri sa ibang laboratoryo na si Louie ay apo ni Katie — patunay na si Sheldon ang ama.
Tuluyan nang nabisto ang plano ni Sheldon, at wala na siyang nagawa kundi aminin ang panloloko. Lumabas na tinulungan siya ng kanyang tiyahin na may kakilala sa loob ng DNA lab para maipagpalit ang sample. Umamin ang empleyado ng laboratoryo na si Robert P., 38-anyos, na pinalitan niya ang DNA sample ni Sheldon ng kanya para palabasing hindi siya ang ama. Wala namang ebidensya kung binayaran siya para gawin ito.
Parehong umamin sina Sheldon at Robert sa kasong conspiracy to commit fraud. Hinatulan sila ng kulong, 50 linggo para kay Sheldon at 33 linggo para kay Robert.
Ipinahayag naman ni Chelsea ang kanyang pagkadismaya sa kawalan ng propesyonalismo ng empleyado ng laboratoryo.