Isang 23-anyos na ina ang inaresto matapos mahuling tinatangkang ibenta ang kanyang isang-buwan na sanggol sa pamamagitan ng online.
Nasagip ang sanggol sa isinagawang entrapment operation sa Barangay 197, Pasay City.
Agad na itinurn-over ang sanggol, na nakabalot lamang sa tuwalya, sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa kanyang kaligtasan at pangangalaga.
Nadiskubre ng mga awtoridad ang isang group chat sa social media kung saan aktibong nag-aalok ang suspek ng sanggol para sa adoption. Isang undercover agent mula sa Philippine National Police Women and Children Protection Center (PNP WCPC) ang nagpanggap bilang interesadong ampunan ang bata.
“Meron silang napasukan na group chat na nandu’n active ‘yung ating undercover na nagpi-pretend na gusto rin mag-adopt,” pahayag ni Police Lieutenant Colonel Armelina Manalo, hepe ng PNP-WCPC Luzon Field Unit.
“Nung nag-PM siya sa undercover, nag-offer agad siya ng baby,” dagdag niya.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na unang humingi ng P100,000 ang ina kapalit ng bata. Ngunit sa negosasyon, ibinaba ito sa P90,000.
“Immediately for P100,000… Since napakalaki ng amount, nagkaroon ng bargaining. Na-close namin ‘to ng P90,000,” ani Manalo.
Kasalukuyang nahaharap sa kasong trafficking in persons at child abuse ang ina.
Lumalabas rin sa imbestigasyon na may isa pang anak ang suspek , isang tatlong taong gulang , na ngayon ay isinasailalim din sa pagsusuri ng mga awtoridad para sa kanyang kaligtasan.
Tumangging magsalita sa harap ng kamera ang suspek, ngunit ayon sa pulisya, sinabi nitong pinilit lamang siyang gawin ito dahil sa matinding problemang pinansyal.
“According doon sa nanay, kaya siya napilitan magbenta ng kaniyang baby ay dahil kailangan niya ng pambayad o panggastos doon sa ospital kung saan siya nanganak,” pahayag ni Police Brigadier General Portia Manalad, hepe ng PNP-WCPC.
“Marami siyang utang na kailangang bayaran. Kailangan din niya suportahan ang kanyang 3-year old,” dagdag ni Manalo.
Samantala, nanawagan ang National Authority for Child Care sa Meta Philippines na agarang kumilos laban sa hindi bababa sa 12 aktibong Facebook groups na umano’y ginagamit sa ilegal na bentahan ng mga bata.