ROXAS CITY – Posible umanong naramdaman na ni Barangay kapitan Elvis Asis na may mangyayari sa kanya dahil sa unang pagkakataon ay ipinatawag nito ang lahat na mga anak at mga apo at nagtipon sila sa kanilang bahay.
Aminado ang pamilya ni Asis na nagtaka sila sa ginawa ng kanilang padre de pamilya, ngunit hindi na sila kumontra at sa halip ay pinagbigyan nila ito.
Bago umalis ng bahay ay sinabihan pa umano niya ng i love you ang mga apo at pinaalalahan na mag-aral nang mabuti.
Kinagabihan ay nagulat na lamang ang pamilya ng kapitan nang malaman na binaril ito at nag-aagaw buhay sa ospital hanggang namatay.
Dahil dito ay hindi halos matanggap ng kanyang pamilya ang nangyari kay Asis at humihingi sila ng hustisya para sa kanilang ama.
Naging emosyunal rin si Ken Asis-Andrade, panganay na anak ni Asis nang umapela ito sa mga suspek na sumuko na.
Nanawagan ito sa mga nakasaksi sa pagpatay sa kanyang ama na tulungan sila para makamtan ang hustisya.