Bumaba sa 2.03 milyon ang bilang ng mga walang trabaho sa Pilipinas noong Mayo 2025, mula sa 2.06 milyon noong Abril, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ngayong Martes.
Batay sa pinakabagong Labor Force Survey, sinabi ni PSA Undersecretary Claire Dennis Mapa na bumaba ang unemployment rate sa 3.9% noong Mayo, kumpara sa 4.1% na naitala noong Abril 2025 at Mayo 2024.
“Ang unemployment rate ay naitala sa 3.9% o 39 sa kada 1,000 na individual na nasa labor force ang walang trabaho o negosyo nitong Mayo 2025,” pahayag ni Mapa sa isang press briefing.
Samantala, bumaba rin ang bilang ng mga underemployed o yaong may trabaho pero naghahanap pa ng dagdag na kita o oras ng trabaho. Mula 7.09 milyon (14.6%) noong Abril, bumaba ito sa 6.60 milyon (13.1%) nitong Mayo.
Ayon pa sa PSA, umabot sa 52.32 milyon ang bilang ng mga employed na Pilipino na may edad 15 pataas noong Mayo 2025. Mas mataas ito kumpara sa 50.74 milyon noong Abril 2025 at 50.97 milyon noong Mayo 2024.
Isinagawa ang survey mula Mayo 8 hanggang Mayo 28, na may kabuuang 11,083 household respondents.