-- ADVERTISEMENT --

Umabot na sa 52 ang kabuuang bilang ng mga nasawi dahil sa pananalasa ng Bagyong Tino (international name: Kalmaegi), ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Miyerkules ng umaga.

Sa pinakahuling datos ng ahensya, 50 sa mga nasawi ay mula sa Central Visayas, habang dalawa naman ay mula sa Western Visayas. Nilinaw ng NDRRMC na ang naturang bilang ay kasalukuyan pang isinasailalim sa beripikasyon.

Batay sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) Region VII, karamihan sa mga nasawi ay dulot ng pagkalunod, pagkakatabunan, at pagkahulugan ng mabibigat na bagay. Sa lalawigan ng Cebu, 48 ang naiulat na nasawi, habang isa naman sa Bohol.

Nagtatala rin ang NDRRMC ng 13 kataong nawawala at 10 sugatan. Patuloy naman ang mga isinagawang search and rescue operations sa mga apektadong lugar.

Ayon sa tala ng NDRRMC, umabot sa 706,549 katao o 203,595 pamilya ang naapektuhan ng bagyo sa mga rehiyon ng Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Negros Island, Central Visayas, at Caraga.

-- ADVERTISEMENT --

Sa bilang na ito, 348,554 katao o 101,981 pamilya ang nananatili sa mga evacuation center, habang 27,698 katao o 88,357 pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa labas ng mga itinakdang evacuation site.

Ilan sa mga rehiyon ay nakaranas ng pagbaha at pagguho ng lupa. Naitala rin ang 16 na bahay na nasira—10 ang bahagya at 6 ang tuluyang nasira.

Sa 21 apektadong kalsada, 15 ang nananatiling hindi madaanan, ngunit lahat ng limang tulay ay muli nang naipapasa ng mga motorista. Samantala, 154 na pantalan ang pansamantalang hindi nakapag-operate, dahilan upang 3,996 pasahero, 1,347 rolling cargoes, 117 barko, at 4 motorbanca ang ma-stranded.

Mayroon pa ring power interruption sa 50 sa 61 lugar, habang naibalik na ang linya ng komunikasyon sa pito sa mga naapektuhang lugar.

Dahil sa bagyo, 593 paaralan at 406 opisina ang pansamantalang nagsuspinde ng klase at trabaho.

Idineklara na rin ang state of calamity sa buong lalawigan ng Cebu dahil sa lawak ng pinsalang iniwan ng bagyo.

Umabot naman sa ₱31.1 milyon ang halaga ng tulong na naipagkaloob sa mga naapektuhang residente, ayon sa NDRRMC.