IBAJAY, AKLAN — Idineklarang patay si Bise Alkalde Julio Estolloso ng bayan ng Ibajay, Aklan matapos barilin ng Sangguniang Bayan Member na si Mihrel Senatin sa loob mismo ng Ibajay Session Hall ngayong araw.
Ayon sa pulisya, tinamaan sa kaliwang bahagi ng dibdib ang bise alkalde, na agad nitong ikinasawi.
Agad namang inaresto si Senatin at kasalukuyang nasa kustodiya ng Ibajay Municipal Police Station.
Batay sa ulat ng Ibajay PNP, pumasok umano si Senatin sa opisina at humingi sa isang staff ng lahat ng kopya ng mga ordinansang ipinasa noong kanyang termino.
Maya-maya ay nilapitan umano nito si Bise Alkalde Estolloso at tinanong, “Vice, ano ang problema mo sa akin?” bago niya ito barilin.
Patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo sa likod ng insidente.