Itinanggi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na mayroon siyang kinalaman sa alinmang flood control project sa kanyang lalawigan sa Sorsogon o sa ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Escudero, si Lawrence Lubiano, presidente ng Centerways Construction and Development Inc., ay isa sa kanyang campaign contributors noong 2022 elections. Ang nasabing kompanya ay kabilang sa mga contractor na nabigyan ng bahagi sa P545-bilyong flood control projects, ayon sa ibinunyag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Giit ni Escudero, wala siyang naging papel sa pagtukoy, paggawa ng program of work, bidding, pag-award, pagbabayad, o inspeksyon ng anumang proyekto ng pamahalaan, sa loob man o labas ng Sorsogon.
Binanggit din niya na karamihan sa kontratang nakuha ng Centerways ay bago pa siya muling maupo bilang senador, at iginiit na wala siyang koneksyon sa negosyo ng kompanya.
Pero mas matindi ang kanyang reaksyon sa umano’y “malicious at ill-timed” na paglabas ng ulat na nag-uugnay sa kanya at kay Lubiano.
Demolition job?
Ayon kay Escudero, ang nasa likod ng ulat ay mga pabor sa impeachment ni Bise Presidente Sara Duterte, partikular mula sa Kamara.
“Hindi principally kasamahan namin dito sa Senado… sa labas, pero hindi ko alam kung may tumutulong, ka-kuntsaba, o kakumplot,” wika ni Escudero.
“Obvious naman siguro kung sino ang pinaka-gustong magpa-impeach.”
Sa State of the Nation Address, sinabi ng Pangulo na pananagutin ang mga sangkot sa kuwestiyonableng flood control projects.