-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia na hindi pa magbibigay ng paunang hatol ang komisyon sa usapin kaugnay ni Senate President Francis “Chiz” Escudero at ng kanyang mga campaign contributor noong 2022 elections.

Tumanggi si Garcia na magbigay ng direktang komento sa umano’y paglabag sa patakaran tungkol sa ipinagbabawal na campaign donations.

“Maganda rin marinig natin ang kabuuan ng explanation ng Senate President… Tingnan natin ang kabuuan. Ayaw natin i-preempt,” ani Garcia.

Dagdag niya, malinaw na nakasaad sa Omnibus Election Code ang listahan ng mga ipinagbabawal na magbigay ng kontribusyon sa mga kandidato.

Ayon sa nasabing batas, “no contribution for purposes of partisan political activity shall be made directly or indirectly by natural or juridical persons who hold contracts or subcontracts to supply the government, or any of its divisions, subdivisions, or instrumentalities, with goods or services, or to perform construction or other works.”

-- ADVERTISEMENT --

“Importante ay maliwanag na may prohibition sa contributions,” giit ni Garcia.

Noong Martes, kinumpirma ni Escudero na si Lawrence Lubiano, presidente ng Centerways Construction and Development Inc., ay isa sa kanyang campaign contributor noong 2022. Ang nasabing kumpanya ay isa sa mga contractor ng gobyerno para sa flood control projects, batay sa pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Kaugnay nito, sinabi ni Garcia na pinag-aaralan ng Political Finance and Affairs Department (PFAD) ng Comelec na magsagawa ng imbestigasyon sa mga posibleng paglabag kaugnay ng mga ipinagbabawal na donor na nakasaad sa Statements of Contributions and Expenditures (SoCE) ng mga kandidato noong 2022 at 2025 elections.

Binigyang-diin niya na may limang taong prescriptive period ang mga paglabag sa Omnibus Election Code.

“Almost sure, gagawin ‘yun ng aming PFAD. Kahapon, tinalakay na namin ‘yan. Nagbigay na tayo ng instructions sa PFAD kasi kasama ‘yun sa kanilang mga titingnan,” ani Garcia.

“Maaaring nangyari noong 2022 o noong 2025, it doesn’t matter. Hangga’t may prescriptive period, puwede pa kami gumawa ng hakbang dahil nasa jurisdiction namin ‘yan,” dagdag pa niya.