MANILA — Isinumite ngayong Martes ng Department of Budget and Management (DBM) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 2026 National Expenditure Program (NEP) na naglalaman ng panukalang P6.79-trillion budget para sa susunod na taon.
Ayon sa Malacañang, mas mataas ng 7.4 porsyento ang naturang panukalang badyet kumpara sa pondo ngayong taon.
Ang NEP ay nakabatay sa tinatawag na “Agenda for Prosperity” na layong pondohan ang mga programang nakatuon sa “paghubog ng mga susunod na henerasyong handa sa hinaharap upang maabot ang buong potensyal ng bansa.”
Sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address, nagbabala si Marcos Jr. sa mga mambabatas laban sa anumang insertions sa susunod na taon na badyet, at iginiit na hindi niya lalagdaan ang anumang panukalang batas sa paggastos kung ito ay “hindi naaayon sa National Expenditure Program.”
“Hindi ko aaprubahan ang kahit anong budget na hindi alinsunod sa programa ng gobyerno para sa sambayanang Pilipino,” ayon sa Pangulo.
Inaasahang pormal na isusumite ng DBM ang NEP sa Kongreso sa Agosto 13, na magsisilbing hudyat sa pagsisimula ng taunang pagsusuri ng lehislatura sa panukalang pambansang badyet.