Aminado ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na ilang flood control projects ay minadali ang paghahanda.
Ipinahayag ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na nagpapasalamat siya na binibigyang pansin ng Pangulo ang mga proyektong pang-kontrol sa baha.
“Computerized naman lahat ng monitoring namin sa lahat ng mga projects sa department so it’s just a matter of taking it out from each district or region, anong category, magkano cost, anong status. Pwede naming ibigay kay presidente,” ani Bonoan.
Dagdag pa niya, “When we assumed office dito sa administrasyon ni Presidente… nadatnan namin talaga na matindi ang pangangailangan natin sa pag-address ng flood control dito sa ating bansa. We did not inherit a bed of roses. Sa tinagal-tagal ng panahon, mas marami ang kailangang gawin para sa mga flood control projects.”
Isa sa mga hamon na binanggit ni Bonoan ay ang matinding paglatak sa mga ilog na nagpapalala sa pagbaha. Sinabi rin niya na habang may mga proyektong maayos ang disenyo, marami ang nagkulang sa budget sa yugto pa lamang ng paghahanda.
“Budgets for project preparation are cut down to the barest minimum but we did our best with it,” aniya.
Dagdag pa ng kalihim, may mga proyekto rin na naidagdag lamang matapos maaprubahan ang General Appropriations Act. “Nadadagdag ng nadagdag. These are hastily prepared, some of them are hastily prepared… We have to see that the projects are worthwhile at walang corruption,” ani Bonoan.
Sa ika-apat na State of the Nation Address, inilahad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang pagkadismaya sa estado ng ilang proyekto sa flood control.
Aniya, “Kitang-kita ko na maraming proyekto para sa flood control ay palpak at gumuho. Yung iba ay guni-guni lang. Huwag na po tayong magkuyari, alam naman ng buong madla na nagkakaraket sa mga proyekto: mga kickback, mga initiative… SOP, for the boys.”
Tiniyak ng DPWH na magsusumite sila ng kumpletong listahan ng flood control projects sa Pangulo, kabilang ang kategorya, halaga, at kasalukuyang status ng bawat isa.