MANILA — Ipinahayag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na itutuon nito ang imbestigasyon sa mga flood control project na hawak ng 15 construction company na tinukoy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Noong Lunes, sinabi ni Marcos na tanging 15 contractor ang nakakuha ng humigit-kumulang P100 bilyon o 20 porsyento ng halos 10,000 flood control project mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025.
Dagdag pa ng Pangulo, mahigit kalahati sa mga proyektong ito na pinondohan ng gobyerno ay walang malinaw na detalye kung anong klase ng estruktura ang itinatayo.
Matatandaang sa kanyang State of the Nation Address nitong Hulyo, iniutos ni Marcos ang imbestigasyon sa posibleng katiwalian sa mga flood control project matapos ang malawakang pagbaha noong buwan ding iyon.
Ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan , sinimulan na ng ahensya ang pagbusisi sa mahigit 9,855 flood control project matapos ang SONA ng Pangulo.
Ngunit ngayon, ayon kay Bonoan, mas pokus ng ahensya ang 15 contractor upang “see what projects [were] undertaken, what is the status, so that we can report back to the President.”
Matapos ang pahayag ni Marcos nitong Lunes, lumabas ang mga ulat na may ilang mambabatas na umano’y konektado sa ilang top contractor sa listahan ng Pangulo.
Nang tanungin tungkol sa kaugnayan ng ilang opisyal sa mga kumpanya, sinabi ni Bonoan na “not part of the criteria” ng imbestigasyon ang pagtukoy sa mga personalidad na may koneksyon sa mga contractor.
Isa sa mga contractor na nasa listahan ni Marcos ay ang Sunwest, Inc., dating kilala bilang Sunwest Construction and Development Corporation na nakabase sa Albay. Iniuugnay ito kay Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy Co, na una nang nagsabing iniwan na niya ang anumang interes sa kumpanya.
Nakakuha ang Sunwest ng maraming kontrata sa Bicol Region, kabilang ang flood control structure sa Catanduanes na nagkakahalaga ng mahigit P192 milyon, bukod pa sa mas malalaking proyekto sa Oriental Mindoro at Occidental Mindoro.
“In the documents dito sa Sunwest, I don’t know if nakalagay ang owner or affiliates… we’re just looking at the documents submitted,” ayon kay Bonoan at tinitingnan din umano ang kanilang accreditation sa mga ahensya.
“That is the only basis for us to look into whenever there is a bidding that is conducted all over the country,” dagdag pa niya.