Lumago ng 5.5% ang ekonomiya ng Pilipinas sa ikalawang kwarto ng 2025, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ngayong Huwebes. Ang pag-angat ay bahagyang mas mataas kumpara sa 5.4% na naitala noong unang kwarto ng taon, ngunit mababa pa rin kaysa sa 6.5% na paglago sa kaparehong panahon noong 2024.
Ayon kay PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa na ang gross domestic product (GDP) — kabuuang halaga ng mga produkto at serbisyong nalikha — ay pinangunahan ng paglago sa mga sektor ng serbisyo, agrikultura, at industriya.
Ang sektor ng agrikultura, panggugubat, at pangingisda ay tumaas ng 7.0%, habang ang industriya ay nagtala ng 2.1% na paglago. Samantala, ang sektor ng serbisyo ay lumago ng 6.9%.
Ayon sa PSA, ang pangunahing pinagmulan ng paglago ay ang wholesale at retail trade at pagkukumpuni ng mga sasakyan at motorsiklo na may 5.1%, pamahalaan at depensa kasama ang social security na may 12.8%, at mga aktibidad sa pinansyal at seguro na may 5.6%.
Tumaas din ang fixed capital investments ng 2.6%, na pinangunahan ng private construction na lumago ng 11.2%, at investments sa durable equipment na tumaas ng 10.6%.
Gayunpaman, ang paggasta ng pamahalaan ay bumagal sa 8.7% mula sa 18.7% noong unang kwarto. Ayon kay Department of Economy, Planning, and Development (DepDev) Secretary Arsenio Balisacan, ito ay dahil sa umiiral na election spending ban.
Bagamat naapektuhan ang government spending ng election ban, sinabi ng mga opisyal na nakatulong naman ito sa household spending, na lumago ng 9.5%, mas mataas sa 5.29% noong unang kwarto at 5.4% sa parehong panahon ng 2024.
Tumaas din ang exports ng bansa ng 4.4%, na mas mabilis kaysa sa imports na may 2.9% na pagtaas. Ang merchandise exports ay tumaas ng 13.6%, pinangunahan ng semiconductors na lumago ng 10.8%.
Samantala, bumaba naman ang services exports ng 4.2% dahil sa mga global uncertainties. Ayon kay Balisacan, “Posibleng bunga ito ng kabuuang kalagayan ng pandaigdigang ekonomiya nitong mga nakaraang buwan.”
Ang target ng economic team ng bansa para sa buong taon ng 2025 ay nasa pagitan ng 5.5% hanggang 6.5%. Ayon kay Balisacan, abot-kamay na ang mababang dulo ng target, at posible pa ring maabot ang mas mataas na dulo.
Naobserbahan din ang pagbagal ng inflation sa 0.9% nitong Hulyo — ang pinakamababa sa halos anim na taon — dahil sa mas mabagal na pagtaas ng presyo ng pabahay, tubig, kuryente, gas, at iba pang pangunahing bilihin.
Dahil dito, inaasahan ng mga analysts na magkakaroon ng puwang ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para sa karagdagang pagbaba ng policy rates. Sinabi ni BSP Governor Eli Remolona Jr. na posibleng magkaroon pa ng dalawang rate cuts ngayong taon, kasunod ng 25-basis-point cut noong Hunyo.
Para maabot ang upper end na 6.5%, kailangan ng ekonomiya ng 7.5% na paglago sa ikalawang kalahati ng taon. Ayon kay Balisacan, posible pa rin ito.