Inilagay na sa kustodiya ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ang dalawang Grade 9 na estudyante ng Basilan National High School, matapos na makuhanan sa isang viral video na binubugbog ang isang kapwa estudyante.
Sa kumakalat na video online, makikitang paulit-ulit na sinusuntok, sinisiko, at sinisipa ng dalawang Grade 9 na estudyante ang isang 15-anyos na Grade 10 na biktima sa loob ng paaralan sa Isabela City, Basilan, noong Hunyo 25, 2025. Naiulat lamang ang insidente sa Isabela City Police Station noong Hunyo 30.
Ayon kay Police Major Shellamie Chang ng Police Regional Office 9, pinipilit umano ng dalawang suspek ang biktima na gawin ang isang bagay na labag sa kanyang kagustuhan.
“Pinipilit siyang manigarilyo or something, basta may pinapagawa sa kaniya na ayaw niyang gawin,” ani Chang.
Nahaharap ang dalawang estudyante sa kasong paglabag sa Anti-Bullying Act, ngunit isasailalim ang proseso sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act dahil sila ay menor de edad at itinuturing na Children in Conflict with the Law (CICL).
Ayon sa hiwalay na pahayag ng Philippine National Police (PNP), may kasaysayan na ng behavioral issues ang dalawang estudyante at hindi agad umuwi sa kanilang tahanan matapos ang insidente. Isang pormal na reklamo ang isinampa noong Hulyo 4.
Ayon sa ama ng biktima, bukod sa pananakit, ipinagulong umano ng isa sa mga suspek ang ulo ng kanyang anak sa pader at naglabas pa ng patalim na ipinanakot sa biktima.
“The safety of our children will always be a priority for the Philippine National Police. We will never tolerate any form of abuse or violence, especially in schools-places that should be safe for every student,” pahayag ni PNP Chief Police General Nicolas Torre III.
“Bullying isn’t just a school issue; it concerns all of us. We thank the concerned citizen who shared the video, which helped us act quickly,” dagdag pa niya.
Samantala, ayon kay Arnel Hajan, principal ng Basilan National High School, maaaring ang insidente ay gawa lamang ng “katuwaan” o “trip.”
“Katuwaan, kursonadahan, trip? Parang ganoon,” aniya.
Dinala muna ang biktima sa isang lokal na ospital matapos makaranas ng pagkahilo at pagsusuka, bago ito inilipat sa Zamboanga City para sa mas maayos na gamutan.
“Pinadala po natin sa local hospital then after, trinansfer namin sa Zamboanga City para mabigyan ng magandang gamot at medical attention,” dagdag ni Hajan.
Bilang tugon, pinaigting na ang presensiya ng pulisya sa loob at labas ng paaralan, at isinagawa na ang aktibasyon ng mga CCTV camera sa lugar.