-- ADVERTISEMENT --

INDIA — Nangako si First Lady Louise “Liza” Araneta-Marcos na magbibigay ng suporta sa mga batang Pilipino na kasalukuyang sumasailalim sa gamutan sa Apollo Hospital sa India.

Sa isang social media post, ibinahagi ng First Lady ang ilang larawan ng kanyang pagbisita sa nasabing ospital, kung saan personal niyang nakilala ang ilang mga batang sumasailalim sa mga life-saving treatments para sa malulubhang karamdaman gaya ng biliary atresia — isang kondisyon kung saan ang bile ducts sa loob at labas ng atay ng sanggol ay nagiging peklat at barado, ayon sa National Institutes of Health.

“Sa bawat pamilyang aking nakausap ngayon: tandaan ninyong hindi kayo malilimutan. Kami — kasama ang pamunuan ng Apollo Hospital at ang Philippine-India Chamber of Commerce — ay gagawin ang lahat ng aming makakaya upang kayo ay masuportahan sa bawat hakbang ng inyong laban,” pahayag ni Araneta-Marcos.

Ibinahagi rin ng First Lady ang sakripisyo ng mga magulang na lumisan sa Pilipinas at tumawid ng mga hangganan upang mabigyan ng pag-asa ang kanilang mga anak, dahil hindi pa malawakang naaabot ang mga ganitong uri ng gamutan sa bansa.

“Ang nasaksihan ko ay higit pa sa medisina — ito ay ang lakas ng pagmamahal ng isang ina, ang tahimik na tapang ng mga ama, at ang matatag na kagustuhan ng mga bata na mabuhay,” dagdag pa niya.

-- ADVERTISEMENT --

Kasama ng First Lady si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang limang araw na state visit sa India.

Matapos ang mga aktibidad sa New Delhi, tutungo ang delegasyon sa lungsod ng Bengaluru. Nakatakdang bumalik si Pangulong Marcos sa Maynila sa Biyernes, Agosto 8.