CAMP PERALTA, JAMINDAN, CAPIZ- Opisyal nang nagsimula ngayong araw ng Miyerkules, Oktubre 8, 2025, ang Philippines–Australia Army-to-Army Exercise na tinatawag na ‘KASANGGA 2025’ sa 3rd Infantry Division ng Philippine Army, Camp General Macario Peralta Jr., Barangay Jaena Norte, Jamindan, Capiz.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Major General Efren F. Morados, Pangalawang Kumander ng Philippine Army, kanyang ipinahayag na isang malaking oportunidad para sa mga tropang Pilipino, partikular sa 3rd Infantry Battalion, ang aktibidad na ito upang maipakita ang kani-kanilang kasanayan sa depensa.
Ayon kay MGen. Morados, layunin ng joint military exercise na ito ang palakasin ang kooperasyong pangdepensa sa pagitan ng Philippine Army at Australian Army.
Dagdag pa niya, maraming aktibidad ang inihanda upang mas sanayin nang mabuti ang mga sundalo ng Pilipinas at Australia, kabilang na rito ang combat operations, jungle warfare training, humanitarian disaster response, drone training, coastal exercise, at community engagement.
Pinangungunahan ni Captain Emma McDonald-Kerr, Australian Defense Attaché sa Pilipinas at miyembro ng Royal Australian Navy, ang delegasyon ng Australian armies.
Kabuuang 100 Australian soldiers at 150 Philippine soldiers ang lalahok sa nasabing programa.
Inaasahan ng mga kinauukulan na magiging matagumpay at kapaki-pakinabang ang aktibidad na ito at mas lalong mapapalakas ang kasanayan sa depensa ng dalawang bansa sa pamamagitan ng mga pagsasanay na ito.
Interviewed by Bombo Roadnie Daban Dalanon