NEW DELHI, INDIA — Iginiit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sineseryoso niya ang lahat ng uri ng banta sa kanyang seguridad, kasunod ng mga kontrobersiyal na pahayag na kinasasangkutan ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte.
Sa isang panayam, tinanong si Pangulong Marcos kung naniniwala siyang may kapasidad si VP Duterte na magbalak ng pagpaslang laban sa kanya.
“I don’t know… I am really not in a position to say what that’s about,” sagot ng Pangulo.
Dagdag pa niya, “You have to be careful… pero sa posisyon kong ito, palaging may banta — at lahat ng ito ay tinitingnan namin nang seryoso.”
Matatandaang noong Nobyembre ng nakaraang taon, nagbitaw ng pahayag si VP Duterte sa isang virtual press conference na tila tumutukoy sa umano’y “assassination plot” laban kay Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at Speaker Martin Romualdez. Ginawa ito bilang reaksyon sa desisyon ng Mababang Kapulungan na ilipat si Atty. Zuleika Lopez — dating chief of staff ni Duterte — mula sa House detention facility patungo sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.
Agad na inirefer sa Presidential Security Command (PSC) ang kanyang pahayag para sa kaukulang imbestigasyon.
Nilinaw naman ni Duterte na hindi ito banta, kundi isang pagtukoy sa umano’y banta sa kanyang sariling seguridad.
Noong Pebrero, nagsampa ang National Bureau of Investigation (NBI) ng kasong sedition at grave threat laban sa Bise Presidente kaugnay ng naturang isyu.
Kabilang din sa pitong Articles of Impeachment na inihain laban kay Duterte ang umano’y pakikipagsabwatan para patayin si Pangulong Marcos, ang Unang Ginang, at si Speaker Romualdez.