-- ADVERTISEMENT --

PASIG CITY – Matapang na nagsalita si Pasig City Mayor Vico Sotto kaugnay sa listahan ng Top 15 contractors para sa flood control projects na ipinresenta ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Sotto, kabilang sa top 3 ang mga kumpanyang Alpha & Omega at St. Timothy, na aniya’y pagmamay-ari at kontrolado ng pamilya Discaya, kasama pa ang iba pang kumpanyang gaya ng St. Gerrard.

“Ngayon, unti-unti nang nalalaman ng taumbayan ang buong katotohanan,” ani Sotto, sabay banggit sa sinabi ng Pangulo sa SONA: “Mahiya naman kayo!”

Ipinaliwanag din ng alkalde ang tinawag niyang “6 Stages of Corruption” na aniya’y matagal nang umiiral sa mga proyekto:

“(1) Procurement/bidding pa lang maaaring may anomalya o collusion na;
(2) Sa project implementation mismo, maaaring SUBSTANDARD, o gaya ng sabi ng Pangulo mismo nung SONA, “yung iba ay GUNI-GUNI lang”;
(3) May mga SOP o porsyento na diumano’y umaabot sa mahigit kalahati ng project cost (Mayor Magalong and Sen. Lacson have both talked about this recently);
(4) May corruption na mga sa proyekto, hindi pa nagbabayad ng tamang buwis sa BIR;
(5) Kulang din ang binabayaran nilang business taxes sa LGU. Yung isang kompanya, top contractor, pero nagdeklara sa LGU ng ZERO gross revenue. Grabe, diba?;
(6) Pag master na ang 1-5, papasok na rin sa politika. Yung 1% ng nakaw ibibigay sa tao bilang “tulong” Para magmukha silang mabait.”

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa ni Sotto, sa kabila ng panganib, nananawagan siya sa mga Pasigueño na tumulong sa pagbubunyag ng ganitong uri ng sistematikong katiwalian.

Sa bahagi naman ng lokal na pamahalaan, tiniyak ng alkalde na ipapasa nila sa Pangulo ang lahat ng impormasyong kanilang hawak, at itutuloy ang kaso laban sa mga naturang kompanya upang mabawi ang milyun-milyon, kung hindi man bilyong piso, na utang ng mga ito sa business taxes ng lungsod.

“Makolekta lang natin ang utang nilang Business Tax sa LGU, may pondo na ang Pasig para ipagawa ang Building para sa Judiciary at National Government Agencies nang wala nanamang binabawasan mula sa ibang programa!” giit ni Sotto.

Napagalaman na si Sarah Discaya ay dating tumakbo bilang alkalde ng Pasig City ngunit natalo laban kay Mayor Sotto.