Ipinag-utos ng mga hukom ng International Criminal Court (ICC) ang espesyal na medical accommodation para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa apat na araw na confirmation of charges hearing sa Pebrero 23,24, 26 at 27, 2026.
Ayon sa kautusan ng Pre-Trial Chamber I, lilimitahan sa tatlong oras bawat araw ang pagdinig at magkakaroon ng oras-oras na pahinga upang mabawasan ang pisikal na pagod ng dating Pangulo, batay sa rekomendasyon ng mga doktor ng ICC Detention Centre.
Binigyang-diin ng mga hukom ang prinsipyo ng katarungan at pagkakapantay-pantay ng bawat panig, kaya mas mahabang oras ang inilaan sa depensa.
Ang depensa ay bibigyan ng 3 oras at 30 minutong presentasyon, kumpara sa 2 oras at 30 minuto para sa prosekusyon, habang ang kinatawan ng mga biktima ay may 1 oras at 30 minuto. Lahat ng panig ay may tig-30 minutong opening at closing statements.
Isasabay rin ng ICC ang taunang pagdinig sa pagsusuri ng detensyon ni Duterte sa huling sesyon ng Pebrero 27, kung saan magsusumite ng oral arguments ang prosekusyon, mga biktima, at depensa.
Subalit ayon sa ICC, maaari pang baguhin ang schedule depende sa takbo ng pagdinig at maaaring magsimula agad ang susunod na presentasyon kung may matatapos nang mas maaga.











