-- ADVERTISEMENT --

Nais ng pamahalaan na ipagpatuloy ang emergency employment program para sa mga mahihirap at nawalan ng trabaho, sa pamamagitan ng panukalang P11 bilyong pondo para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa 2026.

Batay sa 2026 National Expenditure Program (NEP), makakatanggap ng kabuuang P55.2 bilyon ang mga ahensiyang may kaugnayan sa paggawa at empleyo — kabilang ang DOLE at Department of Migrant Workers (DMW) — na kabilang sa may pinakamalaking pondo na iminungkahi para sa susunod na taon.

Mula sa halagang ito, P44.38 bilyon ang nakalaan para sa DOLE, mas mababa kumpara sa P51.20 bilyon nitong 2025. Sa kabilang banda, tataas naman sa P9.48 bilyon ang pondo ng DMW mula sa P8.08 bilyon ngayong taon.

Ayon sa NEP, P12.24 bilyon ang inilalaan para sa TUPAD at Government Internship Program (GIP) ng DOLE — mas mababa sa P18 bilyong budget ng dalawang programa ngayong taon.

Sa ilalim ng TUPAD program, magtatrabaho ng sampung araw ang mga benepisyaryo sa gawaing pangkomunidad tulad ng paglilinis, pagtanggal ng mga debris, at rehabilitasyon ng pampublikong imprastruktura. Babayaran sila batay sa pinakamataas na umiiral na minimum wage rate sa kanilang rehiyon.

-- ADVERTISEMENT --

“Ang TUPAD ay isa sa mga pangunahing programa ng DOLE para agad na mabigyan ng hanapbuhay ang mga nawalan ng trabaho o mga kababayan nating hirap sa buhay,” ayon sa NEP.