-- ADVERTISEMENT --

Maaari nang makabili ng bigas na nagkakahalaga lamang ng ₱20 kada kilo ang mga benepisyaryo ng Walang Gutom Program (WGP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga accredited retailers ng gobyerno.

Pinangunahan ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian ang food redemption activity sa Tondo, Maynila nitong Lunes, kasabay ng paglulunsad ng programang “Benteng Bigas, Meron na sa WGP.”

Sa ilalim ng programang ito, makakabili ng P20 bigas ang mga WGP beneficiaries mula sa mga supplier at tindahang accredited ng Department of Agriculture, kabilang na ang mga Kadiwa outlets, tuwing redemption days.

“Ngayong araw, sinimulan na natin na magkaroon ng availability ng P20 na bigas sa ating mga WGP beneficiaries,” ani Gatchalian.

“Kung matatandaan ninyo, utos ng ating Pangulo na ang P20 na bigas ay para sa pinaka-vulnerable. At kung titignan, ang mga benepisyaryo ng WGP ay kabilang sa food poor o pinakamahirap sa mga mahihirap.”

-- ADVERTISEMENT --

Sa kasalukuyan, nasa 300,000 food-poor na Pilipino ang benepisyaryo ng programa. Inaasahang aabot ito sa 750,000 pagsapit ng taong 2026.

Sinusubukan muna ang programa sa piling lugar tulad ng Tondo, Cebu, at Caraga.

Layunin ng “Walang Gutom 2027: Food Stamp Program” na labanan ang involuntary hunger o hindi sinasadyang pagugutom sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong sa mga pinaka-nangangailangan.

Magkakaroon ang mga benepisyaryo ng Electronic Benefit Transfer (EBT) cards na may lamang ₱3,000 halaga ng food credits kada buwan, na maaaring ipambili ng piling pagkain mula sa mga DSWD-registered na tindahan.

Bilang bahagi ng kondisyon, kailangang dumalo ang mga benepisyaryo sa nutrition classes at dapat ay may isang miyembro ng pamilya na may trabaho, na maaari ring sumailalim sa skills training mula sa DOLE o TESDA.