Ibinunyag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na karamihan sa flood control projects mula 2022 ay kulang sa mahahalagang detalye, kabilang ang uri ng istrukturang itinayo.
“There are 6,021 projects worth more than 350 billion that do not specify the exact type of flood control that is being built. Then, many projects also in different locations have exactly the same contract cost,” ayon kay Marcos sa isang press conference nitong Lunes kung saan inilahad niya ang paunang resulta ng audit.
Batay sa datos, 6,021 sa kabuuang 9,855 proyekto, o 61.1 porsyento, ay walang malinaw na detalye, na katumbas ng P350 bilyong gastos. Umabot naman sa P545 bilyon ang kabuuang halaga ng lahat ng proyekto.
Ipinakita rin ng Pangulo ang listahan ng mga proyekto at kontratista na kabilang sa inisyal na pagsusuri, na layong maging bukas sa publiko para masuri at maulat ang kalidad ng mga ito.