-- ADVERTISEMENT --

ROXAS CITY – Mapupunta sa pagbili sa kagamitan sa pagsasaka ang napanalunang P50,000 ng regional prize winner sa Visayas area sa grand draw ng Buena Mano Salvo Year 12 promo.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Roxas kay Mrs. Mila Silvero 36-anyos ng Barangay Amaga, Sigma, Capiz, sinabi nito na ito ang naging desisyon nilang mag-asawa para magkaroon sila ng sariling gamit sa pagsasaka.

Nagpapasalamat ang ginang sa biyayang natanggap dahil malaking tulong ang napanalunang pera sa kanilang pangngailangan sa buhay.

Inamin ni Silvero na bago umalis ng bahay kahapon para magtrabaho sa palayan ay taimtim itong nagdasal na sana siya ang makakuha ng grand prize na isang milyon piso.

Ngunit sa kabila na hindi nito nakuha ang target na 1 million pesos, ay nagpasalamat rin ang ginang dahil malaking tulong na ang P50,000.

-- ADVERTISEMENT --

Napag-alaman na nagtatrabaho sa palayan ang ginang habang driver ng tricycle ang mister nito.

Biniyayaan sila ng anim na anak kung saan 15-anyos na ang panganay.