MAITUM, SARANGANI — Masusing iniimbestigahan ngayon ng Philippine Navy ang insidente ng pagkalunod ng dalawang tauhan nito habang nagsasagawa ng recreational diving activity sa Maitum, Sarangani Province noong Lunes.
Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ng Philippine Navy na, “A thorough investigation is currently underway to determine the circumstances surrounding the incident.”
Nagpahayag ng pakikiramay ang Navy sa mga naiwang pamilya ng mga nasawi.
“We extend our heartfelt condolences to their families and assure them of our full support during this difficult time,” ayon sa pahayag.
Tiniyak din ng militar ang patuloy na suporta sa mga pamilya ng dalawang tauhan.
“We are providing full assistance to the bereaved families as part of our commitment to their welfare. Above all, we recognize and honor the service and dedication of our fallen sailors to the country and the Filipino people,” dagdag pa nila.
Ayon sa Navy, ang naturang diving activity ay aprubado dahil ang dalawang tauhan ay nasa official leave at wellness break.
Bilang bahagi ng kanilang hakbang para sa kaligtasan, sinabi ng Philippine Navy na kasalukuyan din nilang nire-review at pinapaigting ang mga panuntunan sa recreational at operational diving upang maiwasan ang kahalintulad na insidente sa hinaharap.
Batay sa ulat, ang dalawang biktima — edad 48 at 50 — ay nagsasagawa ng diving site survey sa layong 1.2 nautical miles mula sa baybayin. Nawawala sila ng higit isang oras bago matagpuang palutang-lutang at wala nang malay sa dagat. Agad silang dinala sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Pinaniniwalaan ng kanilang mga kasamahan na maaaring nakaabot ang dalawa sa mas malalim na bahagi ng dagat kung saan sila nahirapang huminga sa ilalim ng tubig.