Kabilang ang mga Filipina sa pinakaaktibong manonood ng adult content sa 2025, ayon sa taunang “Year in Review” user data ng website na Pornhub.
Batay sa ulat, umaabot sa 64% ng kabuuang bisita ng website mula sa Pilipinas ay kababaihan, dahilan upang mapasama ang bansa sa tatlo lamang sa top 20 countries sa buong mundo kung saan mas marami ang babaeng manonood kaysa lalaki.
Nanatili rin ang Pilipinas bilang ikatlong pinakamalaking pinanggagalingan ng traffic sa buong mundo, kasunod ng United States na nasa unang puwesto at Mexico sa ikalawa. Mas matagal ding gumugol ng oras ang mga Pilipino sa website ngayong taon kumpara noong nakaraan.
Ayon sa datos, umaabot sa 10 minuto at 53 segundo ang average na oras ng pananatili ng mga user sa Pilipinas, halos dalawang minutong mas mahaba kaysa noong nakaraang taon. Karamihan din sa audience ay kabataan, kung saan 49% ng traffic ay mula sa edad 18 hanggang 24, habang 29% naman ay nasa edad 25 hanggang 34.
Mataas din ang paggamit ng cellphone sa bansa, dahil 96% ng mga bisita ang gumagamit ng mobile phone sa pag-access ng site, isa sa pinakamataas na mobile usage rate sa buong mundo.
Samantala, pinakamaraming hinanap ng mga Pilipino ang content na may kaugnayan sa kapwa Pilipino. Ang salitang “Pinay” ang nanguna bilang most searched term sa bansa, at pangatlo rin ito sa most searched term sa buong mundo.











