Napatunayan ng Roxas City Police Station ang kanilang mabilis na response capability matapos makarating sa People’s Park, Barangay Baybay sa loob lamang ng 1 minuto at 4 na segundo sa isinagawang simulation drill, mas mabilis kaysa sa itinakdang 5-minute response time target.
Pinangunahan ang aktibidad ni Police Brigadier General Josefino Ligan, Director ng Police Regional Office 6, bilang suporta sa adbokasiya ni PNP Chief General Nicolas Torre III na tiyakin ang 5-minutong police response sa anumang emergency na idinadaan sa 911 hotline.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay General Ligan, sinabi niyang naabot ng Roxas City PNP ang mataas na antas ng emergency response sa pamamagitan ng strategic deployment. Dito, inilagay ang mga pulis sa mga key areas ng lungsod kasabay ng kanilang 8-hour shifts upang mas mabilis at epektibo ang kanilang mobilisasyon sa oras ng emergency.
Ang naturang inisyatibo ay patunay ng matibay na commitment ng Philippine National Police sa kaligtasan ng publiko at sinisigurong mabilis na makakahingi ng tulong ang komunidad mula sa kapulisan.