-- ADVERTISEMENT --

Nagsasagawa ngayon ng fact-finding investigation ang Securities and Exchange Commission (SEC) kaugnay ng P1-trilyong valuation ng Villar Land Holdings, ayon sa chairman ng ahensya.

Ayon kay SEC Chairman Francis Lim, nagsimula ang imbestigasyon matapos makatanggap ang ahensya ng ilang katanungan mula sa mga investor hinggil sa pagpasok ng mga bagong assets sa kumpanya ng real estate magnate na si Manny Villar.

Sinabi ni Lim na nais niyang alamin ng SEC kung may mga isyung may kinalaman sa integridad ng merkado, epekto nito sa mga investor, at reputasyon ng mga kumpanyang kasangkot.

Aminado rin siya na masalimuot ang mga teknikal na detalye sa pagtukoy kung may naganap na insider trading o stock manipulation.

“These are technical issues. Fortunately, I’ve been teaching securities regulation course for a number of years. So, I know the refinements of the law. What I don’t want to happen is for the SEC to act hastily and, at the end of the day, commit a mistake,” paliwanag ni Lim.

-- ADVERTISEMENT --

Sa isang pahayag, sinabi ng Villar Land na tinatanggap nito ang fact-finding probe ng SEC at patuloy na makikipagtulungan sa mga regulator.

“Villar Land’s financial statement is currently undergoing a rigorous audit process by external auditors and this includes a comprehensive review of appraisal reports covering high-value properties. This extensive audit is necessary to ensure the accuracy and integrity of the financial statements,” ayon sa kumpanya.

Naging kontrobersyal ang valuation ng Villar Land — na dating kilala bilang Golden MV Holdings — matapos lumobo ang kita nito sa P1 trilyon noong 2024 mula sa P1.6 bilyon lamang noong nakaraang taon.

Batay sa disclosure ng Villar Land sa Philippine Stock Exchange, iniuugnay ng kompanya ang pagtaas ng kita sa “fair value gains” upang ipakita ang mas mataas na halaga ng Villar City properties sa Cavite at Metro Manila.

Noong taong iyon, nakabili ang Villar Land ng halos 400 ektaryang lupa sa loob ng Villar City sa pamamagitan ng pagbili sa tatlo pang kumpanya na pag-aari ng pamilya Villar: Althorp Land Holdings Incorporated, Chalgrove Properties Incorporated, at Los Valores Corporation.

Ngunit kung walang “fair value gains” na ito, bumagsak ng 29% ang operating profit ng Villar Land sa P1.22 bilyon dahil sa mababang benta ng kanilang residential units.

Simula Mayo ay suspendido ang kalakalan ng shares ng Villar Land matapos mabigong isumite ng kumpanya ang 2024 annual report sa itinakdang deadline.

Nauna nang sinabi ng kumpanya na humiling ito ng extension dahil ang kanilang financials, kabilang ang valuation ng mga ari-arian, ay patuloy pang ina-audit.

Bago ang trading suspension, nagsara ang presyo ng shares ng Villar Land sa P2,296 kada isa.

Bukod kay Manny Villar, kabilang din sa board of directors ng Villar Land ang kanyang asawang si dating senador Cynthia Villar at ang kanilang mga anak na sina Mark at Camille. Si Mark ang chairperson ng Senate public works committee, habang si Camille naman ang namumuno sa Senate environment, natural resources, and climate change panel.

via Rappler