Nakumpiska ng Bureau of Corrections (BuCor) ang kabuuang 3.648 kilo ng shabu at 60.31 gramo ng marijuana mula sa iba’t ibang kulungan at penal farms sa buong bansa, ayon sa ulat na inilabas nitong Lunes.
“Hindi lang basta numero ang mga ito,” ayon kay BuCor Director General Gregorio Catapang Jr.
“Ito ay patunay ng sama-samang pagsusumikap upang mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa mga pasilidad na inilaan para sa rehabilitasyon, hindi para sa mas lalong pagkakasangkot sa krimen,” dagdag niya.
Ayon sa BuCor, narito ang detalyadong dami ng nakumpiskang ilegal na droga mula sa mga sumusunod na pasilidad:
*New Bilibid Prison – 2,166.2705 gramo ng shabu at 58.6001 gramo ng marijuana
*Sablayan Prison and Penal Farm – 26.7488 gramo ng shabu
*Leyte Regional Prison – 8.7621 gramo ng shabu
*Davao Prison and Penal Farm – 410.2696 gramo ng shabu at 1.7140 gramo ng marijuana
*San Ramon Prison and Penal Farm – 1,032.7887 gramo ng shabu
Samantala, walang nakumpiskang kontrabando sa Iwahig Prison and Penal Farm at sa Correctional Institution for Women.
Ipinagkatiwala na ng BuCor ang mga nakumpiskang droga sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa tamang disposisyon.
Bagamat may mga pagsulong, iginiit ni Catapang na nananatiling hamon ang kampanya laban sa ilegal na droga sa loob ng mga kulungan. Patuloy umano ang pagpapatupad ng mahigpit na screening sa mga bisita upang maiwasan ang pagpuslit ng kontrabando.
Noong Nobyembre 2024, nakatanggap ang BuCor ng full-body scanners na kayang tumukoy ng mga ipinagbabawal na gamit na maaaring dalhin ng mga bisita ng persons deprived of liberty (PDLs).