Inilunsad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang “Sumbong sa Pangulo” website upang hikayatin ang publiko na mag-ulat ng mga depektibo o posibleng maanomalyang flood control projects.
Makikita sa website ang listahan ng mga proyektong pinondohan ng gobyerno, na puwedeng hanapin ayon sa rehiyon, probinsya, lungsod, uri ng proyekto, at taon ng pag-apruba. Hindi pa kabilang dito ang impormasyon tungkol sa kontratista.
Ayon kay Marcos, personal niyang babasahin ang mga isusumiteng ulat at tiniyak na pananagutin ang sinumang mapatunayang sangkot sa katiwalian.
Batay sa inisyal na pagsusuri ng Malacañang, 20 porsyento ng halos 10,000 flood control structures na nagkakahalaga ng P100 bilyon mula 2022 ay napunta lamang sa 15 kontratista.
Dagdag pa ng Pangulo, may mga natukoy nang indibidwal at kumpanya na sangkot sa maanomalyang proyekto ng DPWH at nakatakdang ma-blacklist at masampahan ng kaso.