ROXAS CITY — Isang babaeng Grade 5 pupil ng President Manuel Roxas Memorial School – South nitong lungsod ang natuklaw ng ahas sa loob mismo ng kanilang silid aralan.
Ayun kay Mrs. Virginia Alaban, principal ng paaralan, nakita ng mga mag-aaral sa bintana ng silid ang isang ahas na dahun-dahon o Painted Bronzeback at pinalabas sila ng kanilang guro.
Subalit isa umanong lalaking mag-aaral ang humuli sa ahas at tangka rin sana nitong itapon sa labas nang nilapitan din ito at hinawakan ng babaeng mag-aaral na si alyas “Mae” kung kaya’t tinuklaw ito ng ahas sa kaniyang palad.
Nagtamo ng maliit na sugat si alyas “Mae” sa palad at kaagad naman itong nilapatan ng first aid bago dinala sa health center upang mapabakunahan.
Sa ngayon ay nasa mabuti nang kalagayan ang nasabing estudyante dahil hindi naman umano seryoso ang natamo nitong sugat dahil hindi naman makamandag ang nasabing ahas.