Naniniwala ang isang Constitutional Law Expert at Presidente ng Philippine Arbitration sa Visayas na isang political process at hindi legal process ang impeachment case.
Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas kay Atty. Joenar Pueblo, ang proseso ng impeachment ay nakabatay sa politika at may koneksyon sa political dynamics sa House of Representatives at Senado.
Aniya, ang impeachment complaint na inihain ng isang pribadong abogado laban kay President Ferdinand Marcos Jr. ay walang sapat na political power para puwersahin ang mga mambabatas na itulak ang impeachment sa House level dahil karaniwan, ang mga complainant ay may malakas na political backing.
Dagdag pa niya, may ilan umano na nagsasabing drama lang ang impeachment para maantala ito ng isang taon.
Ipinaalala ni Pueblo na ang impeachment complaint ay naihain noong January 19, 2026, at dahil sa desisyon ng Supreme Court na may one-year bar rule, puwede lamang muling i-file ang kaso sa January 19, 2027.











