ROXAS CITY – Malabong makalusot sa House committee on justice sa Kamara ang inihaing impeachment complaint laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang reaksyon ng isa sa mga kaalyado ni dating Pangulong Benigno Aquino III at naging chairman rin ng komite at lead prosecutor sa Corona Impeachment Trial na si dating Iloilo 5th District Rep. Niel Tupas Jr.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Tupas, makalusot man sa “sufficient in form” ang inihaing impeachment complaint ngunit inaasahan na mababasura na ito pagdating sa botohan kung “sufficient in substance” ang batayan.
Karamihan aniya kasi sa mga miyembro ng Kamara ay kaalyado ng pangulo.
Para kay Tupas, mahirap patunayan na mayroong betrayal of public trust na nagawa ang pangulo dahil nananatiling mataas ang popularity rating nito sa ngayon.
Dagdag pa ng dating mambabatas, hindi pa ito ang tamang oras sa paghain ng impeachment laban sa pangulo dahil kulang at mahina pa ang mga ebidensiya.