Nanatiling matatag sa 1.7 porsiyento ang inflation rate ng Pilipinas noong Oktubre 2025, katulad ng naitalang antas noong Setyembre, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Miyerkules.
Sa isang press conference, sinabi ni PSA Chief at National Statistician Claire Dennis Mapa na ang pangkalahatang inflation o antas ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo ay nanatiling nasa 1.7 porsiyento.
Dahil dito, ang average inflation mula Enero hanggang Oktubre 2025 ay nananatili rin sa 1.7 porsiyento — mas mababa sa itinakdang target range ng pamahalaan na nasa pagitan ng 2 hanggang 4 na porsiyento.
Ipinapakita umano ng datos na nananatiling kontrolado ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa, bagaman patuloy na binabantayan ng mga awtoridad ang posibleng epekto ng galaw ng pandaigdigang merkado at kondisyon ng panahon sa susunod na mga buwan.











