Nilinaw ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago na mananatili muna siya sa puwesto habang wala pang naitatalagang kapalit, kasunod ng kanyang pagbibitiw noong nakaraang linggo.
Sa kanyang pahayag matapos ang flag ceremony ng ahensya nitong Lunes, sinabi ni Santiago na ito’y bilang paggalang kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na siyang nagtalaga sa kanya.
“Hangga’t walang napipili at walang salita mula sa Pangulo, mananatili ako para gampanan ang tungkulin. ‘Yun ay bilang respeto,” ani Santiago.
Matatandaang hinirang si Santiago bilang pinuno ng NBI noong Hunyo ng nakaraang taon. Sa kanyang irrevocable resignation letter, binanggit niya na may mga “detractors” at interesadong grupo na patuloy umanong sumisira sa kanyang pangalan.
Nilinaw din niya na hindi siya nagbitiw dahil sa administrasyon. “I salute the president, I salute the SOJ… Wala silang ipinag-utos na ilegal. Malaya akong kumilos,” dagdag niya.