-- ADVERTISEMENT --

ROXAS CITY – Magiging prayoridad ng Kamara ang pagpasa sa panukalang batas na magpapaliban sa barangay elections sa buwan ng Oktubre kung sakaling maihain na ito sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Ito ang inihayag sa Bombo Radyo ni Capiz 2nd District Rep. at House deputy speaker Fredenil Castro kasunod sa plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban na lamang ang barangay elections at mag-appoint ng mga hahalili sa mga incumbent barangay officials na magtatapos na ang termino.

Umaasa si Castro na kukunsulta pa rin ang pangulo sa kaniyang mga kaalyado sa koalisyon sa Kongreso para sa pagsabatas ng nasabing panukala.

Samantala, maliban sa appointment ng mga bagong barangay officials, maaari ring ikonsidera ayon kay Castro ang pagpapalawig sa termino ng mga incumbent barangay officials hanggang sa magkaroon na muli ng halalan sa barangay.

Ayon pa kay Castro  kung ipupursige ng pangulo na mag-appoint na lamang ng mga bagong barangay officials, isasama sa ipapasang batas ang pagtalaga rin ng mga tao na mangunguna sa pagpili ng mga hihiranging mga bagong opisyal sa barangay.

-- ADVERTISEMENT --