-- ADVERTISEMENT --

ROXAS CITY – Sentro ngayon ng atensyon sa social media sa Capiz at karatig na mga lalawigan sa Western Visayas ang isang tricycle driver
sa Barangay Ilaya, Ivisan, ng nasabing lalawigan.

Ito’y matapos sumikat dahil sa kanyang paggaya sa mga Bombo anchorman si Jerlo Anoche Villasoto, 32-anyos, na kunwari ay nagpoprograma habang sakay ng kanyang tricycle.

Kuhang-kuha nito ang karaniwan na paraan ng pagsasalita ng mga Bombo anchorman mula sa simula ng programa hanggang sa mga report.

Habang nasa tricycle, nagsisilbing drum nito ang bubong ng kanyang tricycle na kanyang pinapalo gamit ang screw driver.

Kinunan ito ng video ng mga natutuwa sa kanya at ipinost sa social media na Facebook at ngayon ay mayroon nang libo-libong likes.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kanyang pagharap nang inimbitahan sa programa ng Bombo Radyo, kanyang idinetalye na mula noong maliit pa, idolo na niya ang Bombo Radyo na siya namang naging inspirasyon niya para gayahin ang mga anchorman nito.

Kasama ni Jerlo na namumuhay ang kanyang ina at kapatid na kanyang tinutustusan sa pamamagitan ng pagpapasada ng traysikel.

Bago nito, nagtrabaho siyang kargador ng mga bato at buhangin at naging traysikad driver.

Kung nabigyan ng pagkakataon na makapag-aral, nais sana niya na maging pari at brodkaster sa radyo.

Nabigyan ng pagkakataon si Jerlo na makapagsalita sa mismong mikropono at makapalo ng sikat na sikat na drum ng Bombo Radyo.