HA LONG BAY, VIETNAM — Patuloy ang isinasagawang search and rescue operations sa Vietnam para sa lima pang nawawala matapos tumaob ang isang bangka sa Ha Long Bay noong Sabado, kung saan 37 katao ang naiulat na nasawi.
Ang bangkang tinatawag na “Wonder Sea” ay may sakay na 48 pasahero at limang tripulante nang ito’y tumaob dahil sa biglaang pagbuhos ng ulan at masamang panahon, ayon sa VNExpress.
Karamihan sa mga nasawi ay mga pamilya mula sa Hanoi, kabilang ang mahigit 20 bata.
Ayon sa mga awtoridad, 11 katao ang nailigtas, habang 34 na bangkay ang narekober hanggang Sabado ng gabi. Kinagabihan, tatlong tripulante ang natagpuang patay sa loob ng cabin. Samantala, nagpapatuloy ang paghahanap sa limang nawawala ngayong Linggo.
Nagpaabot ng pakikiramay si Vietnamese Prime Minister Pham Minh Chinh sa mga naulilang pamilya at inatasan ang mga kinauukulang ahensya na magsagawa ng masusing imbestigasyon at panagutin ang sinumang mapatutunayang nagpabaya sa insidente.