Kumpirmadong isusumite ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga dokumento kaugnay ng umano’y korapsyon sa mga proyekto sa flood control.
“Oo naman,” tugon ni Magalong sa isang panayam nang tanungin kung susunod siya sa panawagan ng Malacañang na isumite sa Pangulo ang impormasyon hinggil sa anomalya sa flood control projects.
“Nagsalita na si [Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro] na sinabi na I can get in touch with the President anytime. Inaayos lang namin ‘yung mga dokumento para ‘yung maitu-turn over,” dagdag pa niya.
Plano ng Kamara na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa isyu. Ayon kay Magalong, nakakuha siya ng impormasyon mula sa ilang contractor na umano’y tumatanggap ng kickbacks ang ilang mambabatas na umaabot sa 40% ng pondo ng proyekto.
Dahil dito, aniya, 30% na lang ng budget ang natitira para sa mismong proyekto, na nagreresulta sa mababang kalidad ng mga flood control structure.
Binigyang-diin ni Magalong na dapat ay isang third party ang manguna sa imbestigasyon.
“Yes, kasi nga nag-volunteer ako, ‘di ba. Kaya lang, alam mo ang intensyon ko doon just to emphasize na kailangan third party ang mag-imbestiga, independent body,” paliwanag niya.
“Pero nagsalita rin naman na si Usec. Castro na hindi naman nila ako kailangan. Kaya na raw nila ‘yun,” dagdag pa niya.
Noong Huwebes, sinabi ni Usec. Castro na mas mainam kung direktang ilalahad ni Magalong sa Pangulo ang lahat ng kanyang nalalaman kaysa magtalaga ng lead investigator.
“Kung anuman po ang maitutulong ni Mayor Magalong, mas maganda po na ito ay mailahad niya sa Pangulo at hindi naman po siguro kinakailangan pang magkaroon ng isang magli-lead sa probe dahil nga may mekanismo na po at sistema na ibinigay ang ating Pangulo,” ani Castro.
“Kung anuman po ang mayroon siya, kung ito po ay kumpleto ay maaari niya po itong maisumite agad-agad sa ating Pangulo para iyong sinasabi po nilang 67 congressmen at mukhang sila ay identified na ni Mayor Magalong, hindi po ba mas magandang maibigay na niya ang report na ito sa ating Pangulo?” dagdag pa niya.
Noong Lunes, ibinunyag ni Marcos na 20% ng kabuuang P545 bilyong budget ng flood control projects ay napunta lamang sa 15 contractor, bagay na tinawag niyang “disturbing.”
Sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 28, mahigpit na binalaan ng Pangulo ang mga kawani ng gobyerno na nagnanakaw sa pondo para sa mga proyekto tulad ng flood control, at mariing sinabi: “Mahiya naman kayo.”