-- ADVERTISEMENT --

Naging tropical depression ang low pressure area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) nitong Lunes ng madaling araw at pinangalanang Huaning, ayon sa PAGASA.

Alas-4 ng umaga, namataan ang sentro nito sa layong 520 km silangan hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes. Taglay nito ang hangin na 45 km/h malapit sa gitna, bugso na hanggang 55 km/h, at kumikilos pakanluran hilagang-kanluran sa bilis na 10 km/h.

Wala pang nakataas na tropical cyclone wind signal at hindi inaasahang direktang tatama ang bagyo sa bansa sa loob ng 48 oras. Gayunman, asahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na ulan at pagkulog-pagkidlat sa Ilocos Region, Zambales, at Bataan dahil sa trough ng bagyo. Posible ang flash floods at landslides.

Pinapayuhan ang mga mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat na mag-ingat, lalo na sa mga baybayin ng Batanes, Babuyan Islands, Ilocos, Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, Lubang Island at Palawan.

Inaasahang lalabas ng PAR si Huaning sa pagitan ng Lunes ng gabi at Martes ng umaga, patungo sa Ryukyu Islands, Japan.

-- ADVERTISEMENT --

Ang susunod na tropical cyclone bulletin ay ilalabas ng PAGASA alas-11 ng umaga.