-- ADVERTISEMENT --

ROXAS CITY – Dumulog sa himpilan ng Bombo Radyo ang pamilya ng 15-anyos na dalagita na umano’y biktima ng pangmomolestiya ng isang negosyante sa lungsod.

Ayon sa biktima na si alyas Ayi, una silang nagkakilala ng suspek na si Eduardo Saludaga sa kanilang pagmamay-aring kapihan sa Barangay Libas sa lungsod.

Madalas daw kasing nagkakape ang suspek sa lugar at ang dalagita ang nagsisilbi rito hanggang sa niligawan siya nito.

Inihayag pa ng dalagita na lumalabas din sila ni Saludaga kung saan niyayaya siya ng lalaki na makipagtalik sa halagang P5,000 subalit tinatanggihan ito ng dalagita.

Ayon pa sa dalagita, hinihipuan siya ng suspek sa tuwing sila ay magkasama.

-- ADVERTISEMENT --

Huling nagkasama ang dalawa noong Marso 7 kung saan sa pag-uwi ng dalagita, nakasalubong nito ang isang babaeng tauhan ng asawa ng negosyante at niyaya siya nitong mamasyal.

Kalaunan ay pinasakay ito ng babae sa sasakyan kung saan nandoon din ang asawa ng negosyante na si Janita Saludaga kasama ang isa pang babae.

Doon na umano ayon sa dalagita na sinaktan siya ng asawa ni Saludaga habang pilit na pinapaamin kung may nangyari sa kanila ng kaniyang mister.

Bago pinababa sa sasakyan ay ginuntingan pa umano nila ang buhok ng dalagita.

Hangad naman ng mga magulang ng dalagita na mabigyan ng hustisya ang nangyari sa kanilang anak.